NATIVE NA MANOK: TAMANG PAG AALAGA NG MANOK NA NATURAL
NATIVE NA MANOK: TAMANG PAG AALAGA NG MANOK NA NATURAL
Dahil sa paglago ng iba’t ibang uri ng manok sa Pilipinas, baka isipin mong hindi na uso ang pag aalaga ng native na manok. Pero ang totoo, kikita ka parin sa pag aalaga at pagpaparami ng native na manok! Alam mo, maraming mga mamimili ang naghahanap ng native na manok dahil sa iba’t ibang mga kadahilanan. Kaya kung naghahanap ka ng mapagkakakitaan na hindi nangangailangan ng mataas na kapital, bakit hindi mo subukan ang pag aalaga ng manok na native?
Ang artikulong ito ay tatalakay sa mga pangunahing mga impormasyon sa tamang pag aalga ng manok. Halina’t matuto ng pag aalaga ng native na manok!
ANG NATIVE NA MANOK SA PILIPINAS
May mga restaurant na mas gustong maghain ng native na manok sa kanilang minamahal na mga kustomer dahil mas masarap at malinamnam ang lasa ng native na manok kumpara sa broiler type na mga manok. Subalit dahil sa karamihan sa mga magsasaka ay nahuhumaling sa pag-aalaga ng 45 days para sa mas malaking kita, kadalasan ay nahihirapan ang mga may ari ng restaurant na maghanap ng regular na mapagkukunan ng native na manok. Isa pa, dahil sa hindi pagkakapantay-pantay ng laki, bigat at kalidad ng karne ng native na mga manok ay nagiging dahilan kung bakit hindi gaanong interesado ang mga magsasaka sa pag aalaga ng native na manok. Pero, basahin mo ang artikulong ito para makita posible ka paring kumita sa pag aalaga ng manok na native kahit hindi gumagastos ng malaking halaga.
TAMANG PAG AALAGA NG MANOK NA NATIVE
Ang native na manok ay mas madaling alagaan kumpara sa iba pang breed o lahi ng mga manok dahil sa kakayahan nitong alagaan ang sarili. Hindi mo na kailangang bumili ng maraming komersyal na patuka at gamot para sa native na mga manok. Kapag nakagawa ka na nang magandang tirahan at pastulan para sa mga manok na ito, sila na mismo ang maghahanap ng kanilang pagkain. Ang magandang pastulan ay siyang maglalaan ng tamang nutrisyon sa kanila; mga insekto, butil at dahon na kailangan para sa pagiging malusog ng mga manok.
Katulad din sa komersyal na produksyon ng broiler na manok, ang sapat na nutrisyon ay kailangan para matustusan ang kanilang paglaki at pangingitlog. Kailangan mong isaayos ang skedyul ng pagpapastul ng mga manok mo sa bawat bahagi ng pastulan para masiguro mong maayos na nakakatubo ulit ang mga halaman o mga damo.
Katulad din ng sa pag aalaga ng broiler manok, kailangan din ng native na manok ang mga bitamina at mineral pati na ang malinis na tubig para maging malusog. Kung ang pastulan mo ay walang sapat na suplay ng mga nabanggit, kailangan mong magbigay ng feeds bilang suplemento sa kinakain ng iyong native na mga manok.
Maaari kang maghalo ng sarili mong patuka gamit ang mga sangkap na hindi masyadong mahal. Makakatipid ka nito hanggang sa kalahati ng orihinal na gastos kumpara sa kung aasa ka lamang sa komersyal na mga patuka.
Ang suplimentaryong pagpapakain sa native na mga manok ay ginagawa tuwing umaga at sa hapon para turuan sila kung saan sila kailangang umuwi. Tulad ng nabanggit na, makakatulong rin ito para mapanatili ang kalusugan ng iyong mga alagang manok.
Ang pastulan ay dapat na may kakayahang pakainin ang native na mga manok. Kailangan mong magtanim ng mga damo o mga halamang para may makain sila. Siguraduhin lamang na ang mga halamang itatanim mo ay talagang maaaring kainin at masusustansya. Mag iwas sa mga halaman na hindi mo sigurado kung pwede bang kainin o hindi. Tandaan na may mga halaman na lason para sa mga alagang hayop!
Narito ang mga halamang maaari mong itanim sa pastulan ng iyong mga alagang manok:
-
Mani
-
Carabao grass
-
Centrosema
-
Guinea grass
-
Malunggay
-
Kangkong
-
Kamote
-
Ipil ipil
-
Gabi
-
Duckweeds
-
Azolla
-
At marami pang iba
Para maging mas magaan ang iyong pag aalaga ng manok na native, maaari mo silang pakainin ng mga tirang pagkain sa mesa o sa kusina. Ang mga balat ng prutas at gulay ay kinakain din ng native na mga manok. Siguraduhin lamang na may sapat silang suplay ng tubig na maiinom para sa buong araw.
MGA PAKINABANG NG PAG AALAGA NG MANOK NA NATIVE
Mas gusto ng mga mamimili ang native na manok kumpara sa mga broiler type o 45 days chicken dahil sa napakaraming mga dahilan. Pangunahin na, kakaiba ang sarap at linamnam ng karne ng natural o native na manok. Manamis-namis din ang karne nito at hindi gaanong mataba.
Kaya kung naghahanap ka ng mapagkakakitaan, subukan mo ang pag aalaga ng manok na native. Kaya nitong dagdagan ang kita ng iyong pamilya nang hindi nangangailangan ng malaking kapital, lakas o panahon.
0 Likes0 Replies-